Basura at pangangalaga sa karagatan tinututukan sa Isla Verde

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Hindi naging mahirap ang pagpapatupad ng ecological solid waste management sa Isla Verde kayat madali silang nakatalima sa pagtatayo ng Materials Recovery Facility (MRF) at pagkakaroon ng compost pit sa bawat sitio.

Ito ang iniulat ng mga pangulo ng anim na barangay sa Isla Verde sa isinagawang General Assembly na ipinatawag ng Batangas City Solid Waste Management Board, February 15, sa San Agapito bilang assessment at evaluation ng resulta ng information/education drive na isinagawa ng Solid Baybay Cluster ng KA-BRAD o Katuwang ng Barangay: Responsable, Aktibo, Disiplinado.

Inilahad ng mga punong barangay ng San Agustin Kanluran, San Agustin Silangan, Liponpon, San Andres, San Antonio at San Agapito ang mga programang kanilang sinimulang ipatupad kaugnay ng istriktong implementasyon ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at Environment Code (E-code) of Batangas City. Naiisagawa nila ang waste segregation sa kanilang MRF at ginagawang organic fertilizer naman ang mga nabubulok na basura na itinatapon sa compost pit.

Personal na ginastusan ng mga barangay officials ang pagpapatayo ng kanilang MRF upang maging madali ang pagtalima sa batas.

Binigyang diin ng mga punong barangay na bukod sa pangangasiwa ng basura, tinututukan din nila ang pangangalalaga at proteksyon sa mayamang marine resources ng Isla Verde, kagaya ng tama at ligal na paraan hg pangingisda, hindi pangingisda sa mga marine protected areas, regular na paglilinis ng karagatan at baybayin nito at iba pa.

Nagsimula ang Information and Education Campaign (IEC) ng Ka-Brad coordinators sa Isla Verde noong Nobyembre 2018. Kasunod nito ay ang monitoring sa anim na barangay. Nakatakdang magsagawa muli ng monitoring at evaluation sa Isla ang Ka-BRAD coordinators sa Abril ng taong ito. (PIO Batangas City)