Paglilinis ng karagatan regular na gawain na sa 13 coastal barangay

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 19.jpg 2.jpg 20.jpg 21.jpg 22.jpg 23.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Ang regular na paglilinis ng kanilang karagatan ang isa sa mga naging positibong pagbabago sa may 13 coastal barangay sa Batangas City bunga ng isinagawang education/information campaign ng cluster teams ng mga city government employees na tinatawag na KA-BRAD o Katuwang ang Barangay Responsable, Aktibo, Disiplinado.

Iprenisenta ng 13 coastal barangay ang kanilang mga programa at gawain kaugnay ng istriktong implementasyon ng RA 9003 o Solid Waste Management Act of 2000 sa Solid Baybay Cluster General Assembly noong February 7, sa barangay Ilijan.

Sa pamamagitan ng audio visual presentation (AVP) ay iniulat ng mga punong barangay at barangay leaders ang naging pagsisikap nila at ng mga residente para maisaayos ang solid waste management ng kanilang barangay at ang malaking pagbabago nito kumpara noong bisitahin ito ng Ka- BRAD solid baybay cluster coordinators noong Nobyembre 2018 at sa kasalukuyan. Ipinagmalaki ng mga barangay ang kanilang regular na paglilinis ng tabing dagat bukod pa sa pakikiisa sa mga malawakang coastal clean-up.

Ipinakita rin sa kanilang AVP ang tamang pangangasiwa ng basura kung saan ang 13 barangay ay may Materials Recovery Facility (MRF), compost pit, magkakahiwalay na lagayan ng mga basura sa bawat tahanan at ang kanilang tree planting activities.

Pinasalamatam naman ni Mayor Beverley Dimacuha ang pagtalima ng mga residente sa nasabing batas at ang pakikiisa ng mga ito sa mga programang pangkalinisan ng lungsod. “Ang clean and green program po ay sinimulan pa ni Mayor Eddie Dimacuha at ipinagpapatuloy po natin, inakda rin po ni Cong. Marvey ang E-Code, at ang Batangas City po ay awardee sa larangan ng clean and green,” sabi niya. Kasama ng Mayor na dumalo sa okasyong ito ang konsehal at iba pang kandidato ng Team EBD.

Naging bahagi rin ng general assembly ang open forum na pinangunahan nila City Environment Officer Oliver Gonzales at General Services Officer at Solid Waste Management Board Technical Working Committee Chairman Joyce Cantre.

Ang 13 coastal barangay ay binubuo ng Simlong, Talahib Pandayan, Talahib Payapa, Pagkilatan, Dela Paz Pulot Aplaya, Dela Paz Pulot Itaas, Pinamucan Ibaba, Ilijan, Tabangao Aplaya, Ambulong, Mabacong, Dela Paz Proper at Pinamucan Proper (PIO Batangas City)