10 drug-free barangay sa Batangas City dineklara ng PDEA 1V-A

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 1V-A Oversight Committee on Barangay Drug-Clearing Operation ang 10 drug-free barangay sa Batangas City.

Ito ay matapos makapagsagawa ng drug clearing operation sa barangay at makitang ito ay nakasunod sa mga parameters o alintuntunin na binuo ng Dangerous Drugs Board alinsunod sa Section 8 ng Board Regulation No. 3 Series of 2017 sa pagdedeklara ng isang drug-free barangay.

Ang mga parameters na ito ay ang mga sumusunod: 1. Walang available na drug supply; 2. Walang drug transit/transhipment activity; 3. Walang itinatagong drug laboratory; 4. Walang itinatagong drug warehouse; 5. Walang itinatagong chemical warehouse; 6. Walang marijuana cultivation site; 7. Walang drug den, dive o resort; 8. Walang drug pusher; 9. Walang drug user/dependent; 10. Walang protector, coddler,at financier; 11. Active involvement ng barangay officials sa anti-drug activities; 12. Active involve ment ng Sangguniang Kabataan sa pagtulong na mapanatili ang drug-liberated status ng barangay; 13.Pagkakaroon ng drug awareness, preventive education and information, at iba pang related program; at 14. Pagkakaroon ng voluntary at compulsory drug treatment, at rehabilitation processing desk.

Ang mga drug-free barangay ay ang sumusunod: San Andres, Isla Verde, Mabacong, Talahib Payapa, San Agustin Silangan, San Agustin Kanluran, Pinamucan Proper, Pinamucan Ibaba, Pagkilatan, Poblacion 3 at Concepcion.

Samantala, ipinaalam ng ng public information officer ng PDEA 1V-A na si Ana Lorenzo sa isang pagpupulong sa mga kinatawan ng Mayor’s Office, Public Information Office, City Health Office, PNP at Information Technology Division na sila ay nakikipag-ugnayan ngayon sa mga local government units sa pagtatayo ng Bahay Silangan sa kanilang lugar upang magsilbing reformatory o rehabilitation center. Ang Bahay Silangan aniya ay nangangahulugan ng pagbibigay ng pag-asa sa mga naging sangkot sa mga ilegal na gawain kagaya ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Lorenzo, ang pagkakaroon ng Bahay Silangan na pangangasiwaan ng City Drug Abuse Council (CDAC) ay isa na ngayong requirement sa awarding ng Department of Interior and Local Government ng Seal of Good Local Governance (SGLG) sa isang local government unit.

Tatagal ng tatlong buwan ang gagawing rehabilitation ng mga drug offenders dito kung saan bibigyan sila ng edukasyon, skills training , kaalaman at tulong sa pagsisimula ng maliit na negosyo at iba pang pagkakakitaan upang magkaroon sila ng pagkakataong magka hanapbuhay sa kanilang paglabas sa Bahay Silangan. Bibigyan din sila ng health care services.