Isang prosecutor pabor sa lowering ng age of criminal responsibility sa siyam

  1.jpg

Sa harap ng patuloy na diskusyon sa House Bill 8858 na nagbababa sa minimum age of criminal responsibility sa 12 taong gulang mula 15, , isang assistant city prosecutor sa Batangas City ang nagpahayag ng pagpabor kahit sa pagbababa nito sa edad na siyam.

Ayon kay Assistant City Prosecutor Marian Hermoso na isang taga usig na kumakatawan sa estado sa korte na syang humahawak ng kaso sa mga kabataan, “ mayroon talagang mga batang sangkot sa krimen na nasa siyam na taong gulang kung kayat pabor ako sa nais ng estado na ma address ang problema sa pamamagitan ng paglalapat ng solusyon sa mga bata upang itama at irehabilitate ang mga ito at hindi upang parusahan.”

Sinabi rin niya na dumaan na ang bansa sa batas na nagtatakda ng minimum age of criminal responsibility sa siyam na taong gulang noon pa bago ito ginawang 15 ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o Republic Act No. 9344.

“Kailangang ang pagtugon sa problema ay pagtatama, hindi pagkondena,” sabi ni Hermoso.

May mga programa sa batas na tumutulong aniya sa mga magulang, komunidad at mga ahensya na sumasaklaw sa karapatan ng mga kabataan.

Sinabi din niya na ang umaabot lamang aniya sa kanila sa korte ay yung mga kaso na involved ang mga kabataan na may edad over 15 less than 18 kung saan marami sa mga kasong ito ay murder, rape, pagnanakaw at droga. Subalit hindi aniya maitatanggi na may mga batang edad siyam na sangkot sa krimen at ito ay napapaulat sa television at iba pang mass media.

Kaakibat sana aniya ng naturang panukala ay matugunan ng pamahalaan ang kakulangan sa mga pasilidad na kakalinga at gagabay sa mga bata.