Vice-Mayor Berberabe hindi tatakbong vice-governor

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Binigyang-linaw ni Batangas City Vice-Mayor Emilio “Doc Jun” Berberabe Jr. sa regular na sesyon ng Sangguniang Panglungsod, November 27, na hindi siya kakandidato bilang vice-governor ng probinsiya ng Batangas para sa mid-term elections sa May 2019.

Ito ay taliwas sa mga lumulutang na balita na si Berberabe umano ay magiging substitute candidate at papalit kay Reynan Bool, kandidatong bise-gobernador ng partido Pederalismong Dugong Dakilang Samahan (PDDS) ni Secretary Bong Go. Ang last day ng filing ng kandidatura para sa substitution candidate ay sa November 29.

“Gusto ko pong linawin ang mga haka-haka at mga balita na ako daw po ay tatakbo bilang vice-governor ng probinsiya. Sa katunayan po, marami po ang lumalapit sa akin, tumatawag at nag-iimbita para sa mga meeting. Lilinawin ko na wala po itong katotohanan. Ang tatakbuhan ko po ay vice-mayor pa rin ng lungsod ng Batangas,” sabi ni Berberabe.

Ayon pa rin sa kanya, bagama’t nakakatukso ang mga alok ng ibang partido para siya ay tumakbo bilang vice-governor, ang puso niya ay nasa sangguniang panglungsod.

“Matapos po naming mag-usap-usap ng aking pamilya, napagkasunduan po namin na ituloy ang laban para sa lungsod. Mahal ko po ang Sangguniang Panglungsod dahil pamilya na po ang turing ko sa lahat ng empleyado dito,” dagdag ni Berberabe.

Isa rin aniya sa pumigil sa kaniyang pagtakbo sa probinsiya ay ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng mga opisyales ng lungsod o ang tinatawag na One Batangas.

“Buong-buo po ang suporta ko sa ating Punong Lungsod, Mayor Beverley at Congressman Marvey. Kitang-kita naman natin na swak na swak ang kanilang tandem, at nais ko pong maging katuwang nila para sa patuloy na pag-unlad ng ating lungsod,” pagtatapos ni Berberabe.(PIO Batangas City)