Natatanging agricultural workers pinarangalan

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 19.jpg 2.jpg 20.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Ginawaran ng parangal ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services(OCVAS) ang mga natatanging magsasaka at iba pa sa huling araw ng pagdiriwang ng Farmers, Cooperators and Fisherfolks Week ngayong November 8 bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga ito sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura.

Bago ito, ipinahayag ni Congressman Marvey Marino at Mayor Beverley Rose Dimacuha na patuloy nilang isusulong ang pagpapaunlad ng agrikultura kahit na patuloy ang industriyalisasyon ng lungsod.

Itinuturing niyang nalaking hamon sa mga nanunungkulan ang pagliit ng bilang ng mga magsasaka kung kayat hinihikayat nila ang mga kabataang maging interesado sa agrikultura sa pamamagitan ng pagkuha ng kurso tungkol dito. Pinagkalooban ng OCVAS ang Mayor at Congressman ng plaque of appreciation sa suportang ipinagkakaloob ng mga ito sa kanilang mga gawain.

Bumisita rin dito si dating Presidential Spokesperson Harry Roque kung saan ipinaalam niya ang mga panukalang batas niya na naipasa ng kongreso kagaya ng pagbibigay ng libreng irigasyon sa mga farms na hanggang walong ektarya ang laki.

Nagsilbing keynote speaker si Department of Agriculture Regional Executive Director Dir. Arnel de Mesa na kinatawan ni Antonio Sara, head ng Livestock Operations ng Dept. of Agriculture Region IV- A Calabarzon. Ipinaabot niya ang taos- pusong pasasalamat sa mga magsasaka na syang nagbabanat ng buto upang magkaroon ng pagkain sa hapag kainan ang bawat mamamayang Filipino.

Binigyang diin niya na ang agrikultura ang punot dulo ng kaunlaran ng bansa kung kayat hinikayat niya na patuloy na linangin ang naturang sektor. Mekanisasyon aniya ang solusyon upang magkaroon ng kaginhawahan at malaking kita. “ Kapag maunlad ang sakahan at pangisdaan, maunlad din ang bayan,” ayon sa mensahe ni De Mesa.

Sinabi din ni Sara na “saksi ako sa pagiging visionary ni dating Mayor Eduardo Dimacuha, nakita niya ang sustainability ng pagkakaroon ng maisan kung kayat naging matagumpay ang proyektong ito sa lungsod ng Batangas”.

Ayon naman sa mensahe ni Provincial Agriculturist Pablito Balantac, ang naturang okasyon ay isang napakagandang venue upang kilalanin ang mahalagang kontribusyon sa lipunan ng mga magsasaka na itinuturing na mga buhay na bayani na siya aniyang solusyon sa problema sa pagkain na kailangan ng lumalaking populasyon.

Ang mga pinagkalooban ng City Gawad Saka Award 2018 ay sina Armando Bagsit – Most Oustanding Farmer for Corn, Victor Malibirian - Most Outstanding Farmer for High value Crops at si Sixto Ronquillo – Most Outstanding Farmer for Livestock Raiser. Lahat sila ay tumanggap ng trophy at cash prize na P 3000.

Tinanghal na Most Outstanding Small Farmers Organization ang Sorosoro Multi-purpose and Allied Services Cooperative, Most Outstanding Barangay Agriculture and Fisheries Council (BAFCI) si Emmanuel Salada and family, Most Outstanding Farm Family ang pamilya ni Javier Casas na tumanggap ng trophy at P 4,000.

Kinilala din ang Most Outstanding Farm Family sa Regional Gawad Saka na sina Monte Manalo and family.

Nagwagi bilang Mais King si Rodrigo Noriega kung saan siya ay nakapagani ng 125 metric tons ng mais ngayong 2018. Nanalo namang Talong King si Gregorio Cabatay na nakapagbenta ng halagang P 700,000 ng talong ngayong taon. Kapwa sila tumanggap ng trophy at P 1,500.00.

Most Outstanding Meat Stall sa First Market ay sina Marites Ortega sa pork meat section at Amelita Padilla sa dressed chicken section. Most Outstanding Meat Handler naman sa pork meat section si Pejay De Chavez at sa dressed chicken section si Mildred Abdon.

Sa Julian Pastor Memorial Market (JPMM), Most Outstanding Meat Stall sa pork meat section si Luz Dimacuha at si Leticia Villanueva sa dressed chicken section.

Most Outstanding Meat Handler sa pork meat section si Anacorita Dinglasan at si Elena Montalbo naman sa dressed chicken section. Most Outstanding Meatshop ang Monterey sa Gulod Labac ni Analita Umahon habang Most Outstanding Meat Handler ang Monterey sa Kumintang Ilaya ni Leo Canete. Tumanggap din ng parangal si Marvin Pisan bilang Most Outstanding Meat Handler sa slaughterhouse.

Sa okasyon ding ito iginawad ang CDA Gawad Parangal for Outstanding Cooperative. Nagkamit ng unang pwesto sa National Level- Small category ang San Jose Sico Multi-purpose Cooperative; 2nd place National Level- Medium category ang Malalim MPC at 3rd place naman ang SIBBAP MPC. 1st place Outstanding Cooperative Manager – Provincial Level si Ruby Olaso ng Tulo MPC at Outstanding Barangay Food Terminal ang Rural Improvement Club Cooperative.

Nakiisa rin sa okasyon sina AGAP Partylist Representative Cong. Rico Geron, Boardmembers Claudette Alday at Bart Blanco, mga myembro ng Sangguniang Panglungsod at ng One Batangas at Provincial Veterinarian Romelito Marasigan.(PIO Batangas City)