Maraming salamat sa patuloy na suporta at tiwala-Cong. Mariño

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Lubos ang pasasalamat ni Congressman Marvey Mariño sa mga mamamayan ng Batangas City sa malaking suporta at pagtitiwala nila sa kanilang dalawa ni Mayor Beverley Rose Dimacuha, dahilan marahil kung kayat walang humamon sa kanilang reelection bid sa May 2019 elections.

“Hindi po ako makatulog iniisip ko ang lahat ng dapat pasalamatan, gusto ko ipaalam sa lahat na appreciated namin ang pagtitiwala ninyo. Malamang ay dama ninyo ang aming pagsisikap para sa lungsod, at gusto rin sigurong ipagpatuloy namin ang mga proyekto, social services, infrastructures at iba pa. We can concentrate now sa iba pang gawain,” pagdidiin ni Cong. Mariño.

Sinabi niya na ngayong wala silang haharaping kalaban sa May 15 elections, pagtutuunan nila ng pansin ang mga dapat na labanan kagaya ng kahirapan, kamangmangan at kriminalidad, kung kaya’t tuloy tuloy sila ni Mayor Beverley sa pagsusulong ng mga proyekto. “Halos lahat ng kalsada ng sa Poblacion ay naipagawa na, isusunod na natin ang sa mga pa bukid na barangay,” dagdag pa niya.

Inaasahan niya na matatapos ang konstruksyon ng 3rd Calumpang bridge sa Disyembre at posibleng madaanan sa Enero. Tapos na rin ang konstruksyon ng Market III (Bagong Palengke) at ayon sa kahilingan ng mga magtitinda ay pagkatapos na ng piyesta sila lilipat.

Tuloy tuloy rin ang konstruksyon ng Startoll to Pinamucan Bypass Road na isa sa mga partnership projects nila ni Mayor Dimacuha. May program design na rin para sa konstruksyon ng fly over sa may rotunda ng Barangay Balagtas kung saan wino work out na nila ang pondo para dito.

Natutuwang binanggit ni Cong . Mariño ang maraming nakatayong negosyo ngayon sa diversion road. Naging mabilis aniya ang development sa lugar na ito simula ng maitayo ang Grand Terminal. Mayroon na ditong bagong mall, fast food chains, stores at nagiging isang food hub. May mga dinidesenyo o bubutasing bagong kalsada dito aniya para madaanan ng mga maliliit na sasakyan at mapaluwag ang daloy ng trapiko sa lugar at ilan pang kalsada sa lungsod.

Ibinalita rin ni Cong. Mariño na tumaas pa ang investments sa lungsod, patunay ng pagiging business-friendly ng Batangas City kung saan sinisikap ng pamahalaang lungsod ng maging madali ang pagtatayo ng negosyo dito sa pamamagitan ng enhanced services ng Business One Stop Shop.

Ayon sa City Planning and Development Office, umabot sa P6.9 billion ang pumasok na investments sa Batangas City noong 2017 kung saan ang mga malalaking proyekto ay large at medium industries at real estate. Ito ay malaking paglago kumpara noong 2016 kung saan mayroon lamang P959.4-million investments. (PIO Batangas City)