Search for Gandang Buntis 2018 inilunsad sa Buntis Congress

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

BATANGAS CITY- Mahigit 150 mga buntis ang dumalo sa Buntis Congress na isinagawa ng City Health Office, October 12, hindi lamang upang mabigyan sila ng kaalaman kung papaano pangangalagaan ang kanilang sarili sa panahon ng kanilang pagdadalangtao kundi ipakita na pwede silang manatiling maganda sa ganitong kondisyon sa pamamgitan ng Search for Gandang Buntis 2018.

Ayon kay Dr. Irene Villaflor, obstetrician gynecologist at medical officer IV ng Batangas Medical Center, nais ng World Health Organization na maibaba ang bilang ng mga inang namamatay dahil sa panganganak at pagkatapos manganak kaya’t isa sa mga pangunahing paksang tinalakay dito ay ang Maternal Neonatal Health Program at Post Partum Care.

Binigyang diin niya ang kalagahan ng tamang pagkain, sapat na pahinga at tulog at regular check up sa duktor habang nagbubuntis. Pagkapanganak, mahalaga ring ingatan ang sarili at huwag agad gumawa ng mabigat upang maiwasan ang anumang makasasama o pwedeng maging dahilan ng kamatayan.

Tinalakay din ang kahalagahan ng eksklusibong pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol sa loob ng anim na buwan mula sa pagsilang nito, gayundin ang complementary feeding at mga palatandaan ng unang pagkakasakit ng sanggol upang mabigyan ng agarang lunas. Aniya, ang sobra o kulang sa pag-iyak ng bata ay isang palatandaan na dapat agarang bigyan ng atensyon ang bata.

May 12 buntis naman ang lumahok sa kauna-unahang Search for Gandang Buntis 2018.

Ayon kay City Health Officer Rosanna Barrion , katulad din ito ng tipikal na mga beauty search, subalit ito ay naka sentro sa pagpili ng isang ulirang buntis na apat na buwan at pataas ng nagdadalang tao. Sinabi niya na mahalagang malaman ng mga nanay na importanteng mabigyan ng atensyon ang kanilang kalusugan, kalinisan at pisikal na anyo sa panahon ng kanilang pagbubuntis. “Bibigyang diin natin dito sa ating patimpalak na hindi lamang ang good grooming kundi pati na rin ang dapat na pag uugali ng isang ina habang sya ay nag bubuntis. Kasali rin dito ang pagkain nya ng masustansyang pagkain, ang regular na pre natal at pati na rin post health care check up.”

Rumampa ang mga buntis sa kanilang long gowns, pagkatapos ay ipinakita ang kanilang kaalaman sa maternal care sa question and answer. Nagpagalingan din sila sa talent competition.

Tinanghal na Gandang Buntis 2018 si Gng. Rosemarie Escote ng Barangay Gulod Itaas, 1st runner-up at Best in Talent si Gng. Glaiza Catral ng Barangay Sirang Lupa at 2nd runner-up si Gng. Genevieve Florida ng Barangay Bolbok. Best in long gown si Gng, Julie Ann Gawat ng Calicanto, Best in VTR Presentation si Gng. Reina Manalo ng Pinamucan Silangan at Peoples’s Choice Award winner si Gng. Ma. Theresa De Los Reyes ng Tingga Labac.

Ang tema ng Buntis Congress ay “ Dakila Ina, Ikaw na”. LIZA PEREZ DE LOS REYES/PIO Batangas City