Krimen sa Batangas City bumaba sa first quarter ng 2018

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Iniulat ng bagong Batangas City PNP OIC na si P/Supt. Sancho Celedio sa regular session ng Sangguniang Panlungsod noong April 24 na bumaba ang crime volume sa lungsod mula 176 sa unang quarter ng 2017 hanggang sa 124 ng kagayang panahon ngayong 2018 o bumaba ng 5.16%.

Sa 124 criminal cases ngayong first quarter ng 2018 , 48 ang index crimes o yuong mga crimes against persons at property kagaya ng homicide,rape, robbery, burglary, aggravated assault, motor vehicle theft, arson at iba pa. May 76 naman ang non index crimes kagaya ng paglabag sa mga ordinansa at mga espesyal na batas kagaya ng Anti-Vawc, illegal logging at iba pa.

Mula sa halos 18% average monthly crime rate, bumaba ito sa 12% lamang.

“Ayon po sa datos na ating nakalap, isa ang ating lungsod sa may lowest crime rate sa Calabarzon. Ito ay kahanga-hanga considering its population at dahil na rin sa lokasyon nito, iba’t-ibang uri na ng tao ang naninirahan at dumadaan dito,” sabi ni Celedio.

Bagamat maayos aniya ang peace and order situation ng lungsod, “hindi ito magiging dahilan upang mag-relax ang inyong kapulisan, bagkus magiging hamon pa ito upang mas pagbutihin pa namin ang aming trabaho.”

Animnapu at isang katao naman ang naaresto sa kaso ng illegal gambling kagaya ng jueteng, masiao at iba pa.

Sa war against drugs, nagkaroon ng 45 operations ang Batangas City PNP na nagresulta sa 82 pag-aresto. Na-recover mula sa mga operasyon ang 68.64 grams ng shabu at 15.57 grams ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P130,000.

Ipinagmalaki rin ni Celedio na ang Batangas City PNP ang may pinakamalaking na-recover na baril sa programang Oplan Balik-Armas.

“Mula 2015 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 200 ang mga baril na napabalik sa inyong kapulisan, patunay na hindi po kami tumitigil sa pagtatrabaho upang maging mas mapayapa ang ating lungsod,” dagdag pa ni Celedio.

Sa kasalukuyan ay may kabuuang 165 personnel ang City PNP. Mayroon ding itinayong anim na Public Assistance Centers (PAC) sa mga strategic na lugar kagaya ng Balagtas, Alangilan, Bolbok, San isidro, Paharang at Isla Verde. (PIO Batangas City)