Papel ng mga mga kababaihan sa komunidad ipinakita sa Women’s Month celebration

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

BATANGAS CITY-Mahigit sa 3,000 mga kababaihan ang lumahok sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan at International Women’s Day nitong March 7 upang ipakita ang lakas at kakayahan ng mga kababaihan na iangat ang kanilang buhay at ang papel na kanilang ginagampanan upang magkaroon ng positibong pagbabago sa kanilang komunidad. Ang tema ng pagdiriwang ay “We Make Change Work For Women”, isang hamon na tinutugunan ng maraming programa ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at iba pang ahensya para sa mga kababaihan.

Pagkatapos ng Banal na Misa sa Basilica ng Immaculada Concepcion, ininda ng mga kababaihan ang init ng araw at nagparada mula dito papuntang Sports Coliseum kung saan isang programa ang idinaos. Ang mga lumahok ay nagmula sa ibat-ibang samahan tulad ng Rural Improvement Club (RIC), Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) sa bawat barangay, mga day care workers at social workers.

Sa mensahe ni Mayor Beverley Dimacuha, sinabi niya, na buhay na buhay ang women power sa pamahalaang lungsod sapagkat bukod sa babae ngayon ang Mayor, halos lahat ng namumuno sa mga departamento at dibisyon dito ay mga kababaihan na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang sangkap ng kaunlaran ng lungsod. “Tayong mga kababaihan ay dapat maging malakas at handa sa anumang hamon ng buhay ng may paninindigan at takot sa Diyos,” dagdag pa ng Mayor.

Sinabi naman ni Mila Espanola, hepe ng CSWDO, na higit na isusulong ng kanilang tanggapan ang pagpapatupad ng batas laban sa Violence Against Women and their Children (VAWC) sa bawat barangay.

Ayon kay Nena Garcia, Women’s Desk Officer ng Batangas City PNP, may 64 kaso ng paglabag sa R A 9262 o Anti Violence Against Women and their Children Act of 2004 at RA 7610 o An Act Providing for Stronger Deterrence and Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination and for other Purposes ang naisampa sa korte noong 2017. May 22 kaso laban sa mga kababaihan kagaya ng physical, emotional, psychological at economical abuses habang may 20 kaso ng pangaabuso, 16 na rape at anim na acts of lasciviousness laban sa mga bata.

Bilang pagkilala sa mga kababaihan, pinagkalooban ng Gawad Parangal ang mga natatanging samahan ng mga kababaihan sa barangay. Napiling Pinaka Aktibo/Masiglang Samahan ng Kababaihan ang sa Barangay Conde Labac; Pinakamasikap/Masigasig na Samahan ng Kababaihan ay ang Poblacion 2; Pinakamatibay na Samahan ng Kababaihan ay ang Barangay Malalim; at Pinakamahabang Panahon ng Paglilingkod bilang grupo ng Kababihan ay ang Barangay Pinamucan Silangan at San Agustin Silangan ng Isla Verde.

Nakuha ng barangay Malalim ang may Pinakamahusay sa Pamamahala ng Materials Recovery Facility (MRF). Ang Pinakamahusay na Pamamahala ng Mini Nursery ay nakamit ng barangay Poblacion 2 at ang Pinakamahusay na Pamamhala ng Mini Nursery at MRF ay nakamit ng barangay Tingga Itaas.

Bilang bahagi naman ng kampanya para sa kapaligiran, napiling Babaeng Makakalikasan 2018 si Eugenia Ebora ng Brgy. Malalim, Most Elegant si Emy Magbuhat ng Banaba East, Most Simple si Wendy Mendoza ng Poblacion 2 at Most Confidently Beautiful si Elly Jane Advincula ng Brgy. 14. Tampok din sa pagdiriwang ang One Barangay One Project kung saan ibinida ng bawat barangay ang kilala at masarap na pagkain sa kanilang lugar. (PIO Batangas City)