Robotics sa mga public schools pinaghuhusay

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Maipagmamalaki ng mga public high schools sa Batangas City ang paggaling at hilig ng mga estudyante rito sa robotics kung saan nagiging kampeon na ang mga ito sa division hanggang sa national competition.

Ang robotics ay sangay ng mechanical at electrical engineering at computer science na may kaugnayan sa pagdidisenyo, pagbuo, pagpapatakbo at paggamit ng mga robot, kabilang na rin ang pang computer sa sistema ng kanilang control, pagresponde at pagpo-proseo ng impormasyon.

Ang mga teknolohiyang ito ay may kaugnayan sa mga makinang awtomatiko na maaaring pumalit sa posisyon ng tao sa mga delikadong kapaligiran, maging sa pagmamanupaktura ng ilang mga bagay o kaya ay gayahln ang itsura, pag-uugali, maging ang pag-iisip ng isang tao. Karamihan sa mga robot ng kasalukuyang panahon ay nilikha hango sa iba’t ibang aspeto ng kalikasan na nag-aambag sa larangan ng robotics na pinukaw ng biyolohiya.

Ipinakilala ang robotics sa Batangas City Schools Division noong nakalipas na tatlong taon, kung saan ipinakita ang mga robot na ina-assemble at ipino-program ng mga guro at estudyante na nagtapos sa training nito.

Kaagad ay sinuportahan ni Mayor Beverley Dimacuha ang pag-aaral ng robotics kung kaya’t naglaan siya ng budget para makabili ng mga robots at makapagsanay ang mga guro at mag-aaral ng lahat ng paararalang sekundarya sa lungsod.

Ayon kay Ronald Calderon, robotics coach at teacher ng Batangas National High School, daang libong piso ang halaga ng isang robot na ginagamit nila sa bawat contest. “Pero ang 18 schools sa Batangas City ay nabiyayaan ng hindi lamang isa kundi anim hanggang 15 robots bawat school. Sa sinalihan kong National Robotics Trainingsa Marikina Cty, ilang schools ang hindi suportado ng Mayor nila dahil walang mga robots sa kanilang school,” dagdag pa ni Calderon.

Bunga ng malaking suporta ni Mayor Dimacuha sa pagpapaunlad ng robotics sa edukasyon ng mga high school students, nagkampeon ang Batangas City delegation sa 15th National Science Quest noong February 9-11, 2018 sa Baguio City sa Robotics Technology Competition kagaya ng Line Tracing Robot, Dancing Robot, Innovative Robotics at Sumubot(500g.,1kg., 3kg.). (marie v. lualhati/Ronald P. Calderon)