SP sinabihan ang BCWD at Prime Water na mag public hearing tungkol sa kanilang PPP

  1.jpg 2.jpg

Inatasan ng Sangguniang Panlungsod(SP) ang Batangas City Water District at ang Prime Water Corporation na papasok sa isang Public Private Partnership (PPP) para sa upgrading at rehabilitation ng water sytem na magdaos muna ng isang “valid public hearing” upang malaman ng tao ang nilalaman ng PPP.

Ang ikalawang rekomendasyon ng konseho ay ang mabigyan sila ng kopya ng PPP contract na isinumite sa Office of the Government Counsel.

Ang mga rekomendasyong ito ang nakapaloob sa report ng Committee of the Whole na inaprubahan ng lahat ng konsehales matapos ang committee hearing na isinagawa nila noong isang linggo kung saan ipinaliwanag ng mga kinatawan ng BCWD at Primte Water ang tungkol sa kanilang proposed PPP.

Äyon kay Association of Barangay Council President Angelito Dondon Dimacuha, “hindi maaari na idahilan nila na wala sa guideline ng NEDA ang public hearing. Wala namang mawawala kung magsasagawa sila ng public consultation dahil makakaapekto ito sa public welfare at karapatan ng publiko na marinig ang nilalaman ng PPP. Para itong birthday party e. Nariyan na ang caterer, ang clown, ang mga bisita, pero ang may birthday mismo ang hindi imbitado. Saan naman tayo nakakita ng ganung sistema?”

Sa committee hearing ng SP noong isang linggo, sinabi ng spokesperson ng Prime Water na si Romeo Sabater na mula sa minimum na P205.00 kada buwan, walang magiging pagtaas ng taripa sa loob ng 2 taon. Pagkatapos ng 2 taon, tataas ito sa P230.00 dahil sa 12% na Value Added Tax (VAT). Mariin itong kinuwestyon ng komite dahilan sa hindi kapani-paniwala anila ang proposed water rates increase na ang mga consumers ang babalikat.

Ayon kay konsehal Nestor Boy Dimacuha “ito ang hinhingi ni City Administrator Atty. Narciso Macarandang dahil walang kopya ang city government nito. Hindi natin alam kung magkano ang kanilang babayarang buwis dahil sila ay isang pribadong kumpanya. Kaya bukod sa rekomendasyong ito ng komite, maghahain ako ngayon ng isang resolusyon upang i-require ang Prime Water at BCWD na magsumite ng naturang agreement.”

Napagkasunduan naman ng konseho na kung sakaling hindi sundin ng dalawang partido ang kanilang rekomendasyon, maghahain sila ng Temporary Restraining Order (TRO) upang matigil ang magiging operasyon ng Prime Water.

“Handa akong pumirma at maghain ng petisyon sa korte kung kinakailangan masiguro lamang na hindi matutuloy ang operasyong ito sa lungsod ng Batangas,”pagtatapos ni Dimacuha. (PIO Batangas City)