Update sa konstruksyon ng 3rd Calumpang Bridge iniulat ng contractor

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Nasa 30% na ang on-going construction ng 3rd. bridge ayon kay Project Manager Engr Ronald Litan ng Frey Fil Construction na siyang gumagawa ng nasabing tulay.

Sinabi ni Engr. Litan na posibleng maabot ang 50% ng konstruksyon bago matapos ang buwang ito.

Sa ngayon ay cleared na at inumpisahan na ang konstruksyon ng 100- meter approach ng tulay (package A) sa may sitio Ferry at sisimulan na rin ang clearing ng package B dahil natapos na ang usapin sa pagitan ng city government at mga residente dito.

“Sa may barangay Gulod naman ay ginagawa na ang abatement B kung saan papatong ang girder sa dulo at naghahanda na rin ng poste sa may bandang ilog, Pier 2,” sabi ni Engr. Litan. Sa susunod na taon ay mga minor construction works na lamang ang isasagawa at inaasahang matatapos ang kabuuang konstruksyon ng 3rd bridge sa target date nito sa March 2018.

Ayon pa rin kay Engr. Litan, calendar days ang kontrata nila sa city government kung kaya’t tuloy ang trabaho kahit bakasyon. Nakakatulong rin ang magandang ugnayan ng Frey Fil at ng pamahalaang lungsod para higit na mapabilis at mapaalwan ang pagtratrabaho. “Parehong transparent ang city government at ang Frey Fil, kaya’t madaling naaayos kung may problema, at mabilis kung may kailangang gawin, lahat ay naiiprovide kaya smooth ang trabaho,” Sabi ni Engr. Litan. Ang 3rd bridge ay may sukat na 140 meters na may tig 100 meter approach sa magkabilang dulo ng Sitio Ferry at barangay Gulod Labac. Ito ay may 15 metro lapad na may apat na lanes at sidewalks.

Ang tulay na ito ang kauna-unahang box girder superstructure-designed bridge sa Pilipinas.

Ayon kay Engr. Litan ang tulay na ito ay naangkop sa mga ginawang pag-aaral at naayon sa mga parameters at probisyon na itinakda ng awtoridad para maisiguro ang tibay at kaligtasan nito.

Ang konstruksyon ng 3rd bridge na isa sa mga priority projects ni Mayor Beverley Dimacuha ay inaasahang magbibigay daan sa pagluluwag ng trapiko sa lungsod. (PIO Batangas City)