BCWD papasok sa joint venture para sa mas maunlad na serbisyo

  1.jpg 2.jpg

“The best and the most ideal option is the Public Private Partnership (PPP).”

Ito ang sinabi ng legal counsel at spokesperson ng Batangas City Water District(BCWD) na si Atty. Leilani Gonzales sa napipintong pagpasok ng BCWD sa PPP sa isang private corporation na gagastos ng P4.5 billion para sa 25-year rehabilitation at upgrading nito upang makapagbigay ng mas maganda at malawak na serbisyo sa mga customers nito.

Binigyan ng awtorisasyon ng Board of Directors(BoD) ng BCWD ang general manager nito na pumasok sa PPP nitong October 25. Ang PPP ay inaasahang simulan sa 2018.

Nakapaloob sa joint venture agreement ng BCWD na isang government owned controlled corporation at Prime Water Infrastructure Corporation na pag-aari ni dating Senador Manny Villar ang rehabilitation, financing, improvement, development, operation at maintenance ng water system at septage management ng lungsod. Ang 25 year-contract ay pwedeng i renew o tapusin na.

Idinagdag pa niya na ayon sa Clean Water Act of 2004, mandatory ang pagpapatupad ng septage management sa taong 2020 sa lahat ng lugar sa bansa. Wala aniyang ganitong kakayahan ang BCWD.

Hindi maiiwasan ang pagtaas ng singil sa tubig kung kinakailangan subalit siniguro niya na magkakaraoon ng public hearing hinggil dito at kakailanganin ang pag apruba ng Local Water Utilities Administration(LWUA). Ang huling pagtaas ng taripa ng tubig ng BCWD ay taong 2010 pa.

Sa unsolicited proposal ng Prime Water Corp., susundin nito ang 2013 revised NEDA guidelines on PPP. Sa stage 1 nito, bumuo ang BoD ng BCWD ng Joint Venture Selection Committee (JVSC) na syang nag-aral ng proposal. Ang mga miyembro nito ay may kaalaman sa engineering, technical aspects ng water supply, finance at representatives ng Office of the Government Corporate Counsel.

“With the rigid scrutiny of the contract provisions, nagkaroon ng rekomendasyon ang JVSC upang mag isyu ng letter of acceptance ang BoD ng BCWD,” sabi ni Gonzales. Kayat makakaasa aniya ang publiko na pinag-aralang mabuti ang naturang proposal.

Sa stage 2 naman na kinapapalooban ng contract negotiations, nagkaroon ng ilang improvements sa proposed contract kung saan siniguro nila na mapoproteksyunan hindi lamang ang mga consumers gayundin ang mga empleyado ng BCWD. “Under the joint venture agreement, mas magandang benepisyo ang matatanggap nila,” sabi ni Gonzales.

Kabilang sa rehabilitasyon na gagawin, ay ang pagapalit sa 42 taon nang linya ng tubig, magkakaroon din ng mga bagong water at distribution pipes, tangke, reservoirs; improvement sa water pressure, computerization at sisiguraduhin na mapanatili ang kalidad ng tubig alinsunod sa Philippine National Standards for Drinking Water.

Ipinabatid din niya na may PPP scheme na din sa Prime Water Corp ang Lemery at Rosario, Batangas at ang San Pedro, Laguna. Bumisita aniya ang JVSC sa mga lugar na nabanggit upang malaman ang naging karanasan ng mga ito sa Prime Water.

Kailangan aniyang masabayan ang paglago ng industriya at ekonomiya ng Batangas City at bilang tugon na din sa lumalaking populasyon ng syudad. “We need to address the needs of Batangas City, being a premiere city in the CALABARZON area , with a vision for the future,” dagdag pa ni Gonzales. (PIO Batangas City)