50 scholars nagtapos sa Pipefitting NC II

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Ibinigay ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang certificates of completion at certificates of entrepreneurship sa may 50 scholars ng pamahalaang lungsod sa pakikipagtulungan ng Techical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa kursong Pipefitting NC II. Bukod sa mga sertipiko, tumanggap din ang mga scholars ng allowance na nagkakahalaga ng P1,740 bawat isa.

Isa sa mga scholars ay si Jerome Montalbo , 21, isang graduate ng Industrial Technician, major in Instrumentation sa Batangas State University. Ayon sa kanya, “ang karunungan ay dapat dinadagdagan, hindi itinatago.” Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng kaniyang pagiging isang college graduate, nagsikap pa rin siyang mag-qualify sa libreng scholarship program ng lungsod na nalaman niya sa isang social media networking site.

“Napakaganda po ng programang ito ng pamahalaang lungsod, lalo na po sa mga kagaya ko na nagnanais na madagdagan ang kaalaman. Dahil po sa panahon ngayon, kailangang may advantage ka dahil sa sobrang dami ng kaagaw sa trabaho. Malaking tulong din poi to sa mga out of school youth na nagnanais magkaroon ng magandang kinabukasan. Kaya nagpapasalamat po ako kasama ang aking pamilya kay Mayor Beverley at sa Batangas City sa pagpapatuloy ng programang ito,” ani Montalbo.

Ayon naman kay Glecy Clet, Administrative Officer V ng City Council for Youth Affairs (CCYA), walang binayaran ang mga scholars mula sa tuition fee, assessment fee at entrepreneur fee. Ito ay sagot ng gobyerno sa pamamagitan ng Bottom-Up Budgeting program ng Department of Interior and Local Government(DILG).

“Ito po ay 3rd at 4th batch na ng pipefitting na isang 26-day training course. May isa pa po tayong batch na binubuo kaya yung mga ineteresado, pwede po kayong pumunta sa aming opisina. Bawat batch po ay may 25 students. Ilan sa requirements natin para makapasok sa programang ito ay dapat ang bata ay 18 years old pataas, at least highschool graduate o kaya ay ALS passer at siyempre dapat residente ng lungsod ng Batangas,” sabi ni Clet.

Sumaksi sa naturang distribusyon ang mga kinatawan ng TESDA at ng Top Global Skills Manpower Development Center Inc. na nagsilbing training center ng mga estudyante. (PIO Batangas City)