Batangas City PNP kasama sa police personnel swapping

  ICP1.jpg ICP2.jpg ICP3.jpg ICP4.jpg ICP5.jpg ICP6.jpg ICP7.jpg

Simula ngayong araw na ito, September 13 ang lahat ng 159 na miyembro ng Batangas City Philippine National Police ay madedestino sa San Pablo City at ang 85 pulis naman ng huli ang mapupunta dito sa lungsod kaugnay ng police personnel swapping na ipinatutupad ng PNP bilang bahagi ng “Internal Cleansing Program” nito.

Isa ang Batangas City sa anim na City Police Stations sa CALABARZON na sumailalim sa police personnel swapping ayon sa direktiba ni Police Regional Office (PRO4A) Director PCSupt. Ma. O Ranada Aplasca.

Dahilan sa hindi kasama sa swapping na ito ang hepe ng mga himpilan ng pulisya, mananatiling chief dito si P/Supt. Norberto Delmas.

Mahigit sa 100 pulis mula sa Batangas Provincial Office ang pansamantalang nakatalaga dito sa Batangas City habang nasa transition period at bilang karagdagan na rin sa pwersa ng kapulisan.

Naunang nagpalitan ng mga tauhan ang himpilan ng pulisya ng Tanauan City at ng Binangonan, Rizal noong May 15, noong September 11 ay ang Dasmariñas City, Cavite at Antipolo City, at ang Biñan at Lucena Police Stations ngayong araw ding ito.

Sa press release ng PRO4A-PIO, sinabi ni Regional Director Aplasca na “ the reassignment or transfer of personnel is not a disciplinary action but a strategic movement or utilization of PNP or any of its unit and personnel to effectively carry out the functions and duties of the organization.”

Kaugnay nito ay binigyang diin ni Deputy Provincial Director for Administration, Batangas Police Office P/Supt. Jerson Bisayas na ang pagpapalitan ng mga police personnel ay isang “top level decision ng PNP” upang higit na maiangat ang kalidad ng serbisyo sa publiko. Ganoon pa man, batid niya na may mga disadvantages kagaya halimbawa ng pagbabago sa routinary schedule at maraming maninibago sa hakbang na ito, ngunit dapat lamang na sumunod ang mga pulis. “Tayo ay nanumpa na, we are willing to be assigned anywhere in the Philippines to serve the people,” dagdag pa ni Bisayas. Hindi naman niya masabi kung hanggang kailan tatagal ang isinagawang palitan.

Ayon kay Bisayas, naging epektibo ito sa Tanauan at Binangonan, kung saan bumaba ang crime rate sa mga nasabing lungsod at mas gumanda ang serbisyo ng kapulisan.

Naniniwala siya na mga professional police officers ang mga taga Batangas City kung kaya’t madaling makaka adapt ang mga ito sa kanilang bagong lugar.

Hangad niya na maipatupad ng mga ito sa San Pablo City ang best practices ng lungsod ng Batangas. (PIO Batangas City)