Isang Batangueña football player, pinarangalan ng city government

  footballplayer1.jpg footballplayer2.jpg footballplayer3.jpg

Ginawaran ng certificate of recognition ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang kaunaunahang Batangueña football player na napabilang sa national team at nakasama sa katatapos na Southeast Asian Games na ginanap sa Malaysia.

Siya ay si Hazel Romina Arce, 20 taong gulang at residente ng barangay Kumintang Ibaba.

Ang plaque of recognition ay tinanggap ni Arce mula kay City Administrator Atty. Narciso Macarandang noong ika-11 ng Setyembre at siya ay nagpapasalamat sa karangalang ito na ipinagkaloob sa kanya.

Bagamat 4th place lamang sila sa SEA Games, naging napaka memorable aniya ng kanyang naging karanasan ditto sa dami ng kanilang natutunan. Siya ay nagtapos ng elementarya at highschool sa University of Batangas kung saan siya ay naging football player noong nasa fourth year siya.

Nagtry out sya sa football sa Far Eastern University (FEU) at maswerte namang natanggap at nakakuha ng full scholarship.

Nasa 3rd year college siya nang matanggap sa national team.

Siya din ay apat na beses na naging University Athletic Association of the Philippines (UAAP) player at lumahok sa Philippine training camp sa Japan. Napabilang din siya sa AFC Asian Cup 2017 na ginanap sa Tajikistan at lalahok sa AFC Asian Cup Qualifiers na isasagawa sa Jordan sa 2018 para sa World Cup. Para kay Arce, mahalagang bahagi ng kanyang buhay ang football sapagkat sa pamamagitan nito nahubog ang kanyang disiplina at nakapagtapos ng kolehiyo ng libre bilang isang scholar.

Payo niya sa mga atletang Batangueno na ibigay ang kanilang 100% sa kanilang ginagawa upang lubos na maabot ang kanilang potensyal at magtagumpay.

Ngayon na siya ay nakapagtapos na ng pag-aaral, ipagpapatuloy niya ang paghasa ng kanyang galing sa football upang makamtan ang kanyang mga pangarap. Prayoridad din niya ang magkaroon ng trabaho upang makatulong sa kanyang pamilya. (PIO Batangas City)