Palakasin ang pamilya laban sa droga -Mayor Dimacuha

  CADAC1.jpg CADAC2.jpg CADAC3.jpg

BATANGAS CITY- Bainigyang diin ni Mayor Beverley Dimacuha na mahalagang palakasin ang kasal at ang pamilya upang malabanan ang problema sa ilegal na droga na aniya ay “salot ng lipunan.”

Naging panauhin si Mayor Dimacuha sa assembly ng mga barangay captains kung saan ipinakilala sa kanila ang bagong tatag na City Anti- Drug Abuse Council(CADAC) na binubuo ng mga kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng pribadong sektor .

’’Bilang mga magulang, bigyan po natin ng sapat na atensyon ang bawat anak natin sapagkat maaaring hindi nila nararamdaman ang ating pagmamahal kung kayat napapariwara sila,” dagdag pa ng Mayor.

Inilunsad din dito ang programang Simula ng Sipag at Pagbabago o SIPAG na isang 12-week faith-based recovery program upang matulungan ang mga drug surrenderers sa kanilang rehabilitasyon sa pakikipag-ugnayan sa Dangerous Drugs Board at pakikipagtuwang sa mga local churches, business sectors, non-government organizationss, Philippine National Police at mga local government units sa buong bansa.

Nais ng CDAC na maibaba sa mga Barangay Anti- Drug Abuse Council (BADAC) ang mga programa nito at mapalakas ang kanilang mga samahan upang magkasamang labanan ang problema sa droga.

Sinabi naman ni Association of Barangay Captains President Angelito “Dondon” Dimacuha na kailangan ng “ aksyon” at tuloy tuloy na programa sa drug abuse prevention upang ito ay magtagumpay.

Ayon kay Congressman Marvey Mariño dapat pagtuunan ng pansin ang pagbabagong buhay ng mga drug surrenderers sapagkat “malalim ang problema at malalim din ang solusyon,”

Hindi ito kakayanin ng pulis lamang sapagkat kailangan ng tulong ng lahat ng sektor ng lipunan. “Mahirap din ang trabaho ng mga barangay captains na siyang unang nakakaalam kung sino ang mga drug personalities sa kanilang lugar,” dagdag pa ng Congressman. Maglalaan aniya ng P20-30milyon para sa pagtatayo ng isang rehabilitation center sa Barangay Cumba.

Samantala, dumalo ang mga miyembro ng CDAC sa ginawang evangelization ng Neocathecumenal Way sa mga drug surrenders ng Barangay Cuta noong June 18 sa Julian A .Pastor Memorial Elementary School sa pangunguna ni Rev. Fr. Aurelio Oscar Dimaapi ng Basilica of the Immaculate Conception.

Nagsagawa rin dito ang City Health Office ng assessment ng dumating na 55 drug surrenderers o 25% ng may 200 drug surrenderers ng Cuta kung saan inalam ang kanilang profile at kung sila ay severely, moderately o mildly affected ng droga.

May dalawang dating drug personalities naman ang nagbigay ng testimonials sa kanilang mga naging karanasan sa droga at kung paano sila nakabangon at muling inayos ang kanilang buhay. (PIO Batangas City)