CDRRMC members sumailalim sa planning workshop para sa disaster preparedness

  ICS1.jpg ICS2.jpg ICS3.jpg ICS4.jpg ICS5.jpg ICS6.jpg ICS7.jpg ICS8.jpg

Sumailalim sa ikalawang level ng Integrated Planning Course on Incident Command System (ICS) para sa organisadong pagresponde sa kalamidad ang ilang miyembro ng Batangas City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) noong June 5 -9 2017, sa Pansol, Laguna.

Ito ay itinaguyod ng pamahalaang lungsod katuwang ang Office of the Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Nauna rito ay ang ICS Basic Training na dinaluhan ng parehong mga miyembro ng CDRRMC noong nakaraang taon.

Layunin nito na mabigyan ng tuloy tuloy na pagsasanay ang mga miyembro ng CDRRMC at higit na kaalaman sa mga gawain ng Planning Section bilang isa sa mga General Staff ng ICS organization. Itinuro rin dito ang mga resposibilidad ng Planning Section Chief at Unit Leaders para sa mahusay at epektibong pamamahala ng ICS at mabilis na pag responde sa panahon ng kalamidad.

Ang ICS ay binubuo ng mga miyembro ng iba’t ibang national at local government agencies na itinalaga ng isang local chief executive upang siyang agad rumesponde kung may kalamidad. Ito ay pinamumunuan ng Incident Commander at diretsong nakikipag-ugnayan sa kanya ang public information officer, safety officer at liaison officer. Ito ay may apat na sections: operations, planning, logistics at finance administrative.

Bukod sa lectures at audio visual presentations, may mga exercises, workshops at evaluation pagkatapos ng bawat module ng course upang maisigurong may natutunan ang mga participants.

Naging resource speakers sina F/S Insp Glenn Salazar ng Batangas City Bureau of Fire Protection (BFP); Jayson Chavez mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) Region IV; SFO2 Maria Soledad Amba-an, BFP Catanuan, Quezon Province at Col. Peale John Bondoc mula sa Philippine Army. Ayon kay F/S Insp Salazar, mahalaga na maituro rin sa barangay level ang ICS upang mabilis nilang matugunan ang mga pangangailangan sa panahon ng kalamidad. “Dapat ay alam na kaagad ng mga barangay officials ang mga dapat gawin, upang maging mabilis ang pagresponde at hindi sila maghihintay pa ng responde o tulong mula sa bayan,” sabi ni F/S Insp Salazar.

Ang mga ganitong ICS planning courses at iba pang disaster preparedness trainings ay requirement rin ng DILG sa mga lokal na pamahalaan upang mapalakas ang sustainability at resilience ng mga ito. (PIO Batangas City)