CAFC tutulong sa pagpapalago ng agrikultura at pangisdaan ng lungsod

  CAFC1.jpg CAFC2.jpg

BATANGAS CITY- Inaasahan ang ibayong pagpapalago ng agrikultura at pangisdaan ng Batangas City sa pagtutulungan ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services(OCVAS) at ng City Agricultural and Fishery Council (CAFC) na isa sa regional finalists sa 2017 Gawad Saka Search for Outstanding Agricultural and Fishery Council.

Kabilang sa mga proyekto ng CAFC ay ang pag-aalaga ng baboy, baka at kambing, pagbibigay ng bangka sa mga mangingisda, tilapia fingerlings dispersal, livelihood trainings at iba pa.

Mayroon ng 37 aktibong Barangay Agricultural and Fishery Council (BAFC) sa lungsod kung saan higit na natututukan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda.

Sa buwanang pagpupulong ng CAFC, tinalakay ang mga bagong regulasyon na ipatutupad kagaya ng apat na araw lamang na pagpapagamit ng traktor upang mas maraming magsasaka ang makagamit nito. Lilimitahan na rin ang paggamit ng kompresor sa pangingisda upang mas marami ring mangingisda ang makagamit nito sa pagsisid.

Tinalakay din dito ang problema ng mga mangingisda dahil ng limitasyon sa kanilang pangingisda sa mga protected areas ng Shell Refinery at First Gas Corporation na siyang ipinag-uutos ng international law.

Ipinakilala naman ang bagong co- chairperson ng CAFC na si Dr. Loyola Bagui, Officer-in-Charge ng OCVAS.

Napagkasunduan ang buwanang pagpupulong ng CAFC upang talakayin ang mga plano at programa sa susunod na taon. (PIO Batangas City)