Ibayong kaunlaran ng agrikultura isusulong

  ocvas1.jpg ocvas2.jpg ocvas3.jpg ocvas4.jpg

Nagpahayag ng ibayong suporta sa pagpapalago ng agrikultura ng lungsod si Congressman Marvey Mariño at Mayor Beverley Dimacuha sa graduation ceremony ng may 31 magsasaka ng Barangay Dumuclay at Sitio Bayanan ng Pinamucan Proper sa Farmers Field School na libreng ipinagkakaloob ng Office of the City Veterinary and Agricultural ServicesOCVAS).

Ang graduation ceremony ay ginanap noong ika-16 ng Marso pagkatapos ng 21 linggo ng pagsasanay sa kanilang barangay sa pangangasiwa ng mga tauhan ng Crops Division ng OCVAS. Dito tinuruan sila kung paano ang organikong paraan ng pagtatanim at ang paggamit ng organikong pataba at pamatay kulisap.

Hinikayat ni Mayor Beverley ang mga graduates na gamitin ang kanilang mga natutunan at ibahagi sa iba. Binigyang diin din niya na hikayatin ng mga ito ang kanilang mga anak na ipagpatuloy ang pagsasaka sapagkat mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga magsasaka sa lipunan.

“Binabalak ko din na magkaroon ng kurso sa agrikultura sa Colegio ng Lungsod ng Batangas para sa kaunlaran ng pagsasaka sa lungsod,” dagdag pa ng Mayor.

Nangako naman si Congressman Marvey Marino ng ibayong suporta upang mas mapalawak pa ang naturang programa. ‘’Plano ko na magkaroon ng isang lugar sa lungsod bukod sa mga pamilihan na syang pagdadalhan o magiging bagsakan ng mga produkto ng mga magsasaka,” dagdag pa niya. Sinabi rin ng Congressman na bagamat mas mataas ang presyo ng organic products, higit naman ang benepisyong dulot nito.

Aniya, isasama nila ang mga graduates sa mga weekend markets sa Maynila upang makita ng mga ito ang takbo ng negosyo dito.

Nagpaabot ng pasasalamat kay Mayor Dimacuha ang kinatawan ni Pangulong Leonides Landicho ng Dumuclay na si Konsehal Resty Ramirez at Konsehal Loreto Gonito ng Pinamucan Proper na kinatawan naman ni Pangulong Benedicto Baes sa napakagandang pagkakataon na naipagkaloob sa mga magsasaka ng kanilang mga kabarangay na madagdagan ang kaalaman sa tama at makabagong pagsasaka. Hindi na anila kailangan pang bumili sa palengke sapagkat may sarili ng tanim na mga gulay sa mga bakuran na maaring mapakinabangan.

Lubos ang pasasalamat ng mga graduates sa karagdagang kaalaman na kanilang natutunan at sa pagkakataong ipinagkaloob sa kanila ng lokal na pamahalaan. Bumisita din ang grupo sa Allied Botanical Garden sa Tayug, Pangasinan upang mag Lakbay Aral.

Ang distribution ng certificates ay ginampanan ng hepe ng OCVAS na si Dr Estelita Lacsamana. (PIO Batangas City)