Natatanging kababaihan pinarangalan sa Int'l Women’s Day

  IntlWomensDay1.jpg IntlWomensDay10.jpg IntlWomensDay11.jpg IntlWomensDay12.jpg IntlWomensDay13.jpg IntlWomensDay14.jpg IntlWomensDay2.jpg IntlWomensDay3.jpg IntlWomensDay4.jpg IntlWomensDay5.jpg IntlWomensDay6.jpg IntlWomensDay7.jpg IntlWomensDay8.jpg IntlWomensDay9.jpg

BATANGAS CITY- Bandang 6:30 ng umaga, nagsimula ng dumagsa sa Basilica of the Immaculate Conception ang mahigit 3,000 kababaihan at pumarada mula simbahan hanggang sa Sports Coliseum upang dumalo sa pagdiriwang ng Int'l Women's Day na may temang “We Make Change Work for Women”.

Ang Batangas City na pinamumunuan ng isang babae sa katauhan ni Mayor Beverley Dimacuha at kung saan ang pamahalaang lungsod ay halos kababaihan ang namumuno sa mga departamento, ay may mga aktibong samahan ng mga kababaihan na may mahalagang kontribusyon sa kaunlaran at kapakanan ng komunidad.

Dahilan sa mga programa para sa kababaihan na ipinatutupad ng City Social Welfare and Development Office, tumanggap ang nasabing opisina ng Panata Award noong Feb. 14, isa sa pinakamataas na pagkilala na ibinigay dito ng DSWD.

Bilang pagkilala sa mga natatanging kababaihan ng lungsod ngayong 2017, nagbigay ng parangal sa kanila ang CSWDO. Nahirang na Natatanging Samahan ng Kababaihan ang Brgy. Cumba; Pinaka Masikap/Masigasig na Samahan ng Kababaihan ay ang Brgy. Paharang Kanluran; Pinakamatibay na Samahan ng Kababaihan ang Conde Labac; at Pinaka Aktibo/Masiglang Samahan ay ang Brgy. Malalim. Ang mga nahirang na natatanging kababaihan sa iba’t ibang larangan ay ang mga sumusunod: Nenita Silva ng Bargy. Malalim sa Pangkabuhayan; Teodora Abacan ng Conde Labac sa Pang Relehiyon/ Ispiritual; Evelyn Villaran ng Catandala sa Panglipunang Paglilingkod; at Alicia Gonzales ng Soro-soro Ilaya sa Pang Agrikultura.

Nagkaroon din ng paligsahan sa pagsayaw ng Jota Batangueña ang mga kinatawan ng ilang clusters ng barangay kung saan nagwagi ng 1st place ang cluster 7, 2nd place ang cluster 6 at 3rd place ay ang cluster 9.

Sa huling bahagi ng programa, sama samang bumuo ng hugis ng watawat ng Pilipinas ang mga miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina bilang simbolo ng kanilang pagkakaisa sa pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga kababaihan at pagsisikap ng maging instrumento ng positibong pagbabago at kaunlaran ng bansa.

Nakiisa sa pagdiriwang sina Cong. Marvey Marino, Councilors Aileen Montalbo, Allysa Cruz- Atienza, Serge Atienza, Armando Lazarte, Oliver Macatangay, Bokal Art Blanco at mga barangay officials.(PIO Batangas City)