Limang barangay kinilalang Dengue- Free ng CHO

  CHO.jpg

BATANGAS CITY- Binigyang pagkilala ng City Health Office ang limang Dengue-Free barangay sa lungsod bilang bahagi ng kampanyang mabawasan ang bilang ng mga biktima ng nakamamamatay na sakit na ito.

Ang mga barangay na ito ay Liponpon, San Agustin Kanluran at San Andres ng Isla Verde, Barangay Poblacion 17 at barangay Maapaz. Ayon kay City Health Officer Rosanna Barrion, Batangas City Health Officer ang naturang parangal ay bilang pagkilala sa mga barangay na nakapag-contribute para maging matagumpay ang implementasyon ng National Dengue Prevention and Control Program (NDPCP).

Upang maituring na ang isang barangay ay dengue-free, kinakailangang hindi ito nakapagtala ng kaso ng dengue mula taong 2013 hanggang 2016. Layunin ng naturang parangal na mahikayat ang buong barangay na magkaroon ng regular na clean- up activity at ipakita ang kahalagahan ng team work at pagtutulungan upang masugpo ang dengue sa komunidad.

Ayon kay Pangulo Mabel Santos ng Maapas, patuloy silang magsusumikap para sugpuin ang dengue hindi lamang sa pamamagitan ng malawakang paglilinis kundi sa disinfection, de-clogging ng mga sewers, drainage at waterways upang huwag pagbahayan ng mga itlog ng lamok ang mga ito.(PIO Batangas City)