|
Community Based Monitoring Training
Sumasailalim ngayon ng tatlong araw na pagsasanay sa Community-based Monitoring System Enumerators Training mula noong June 27 ang may 77 participants mula sa 10 barangay ng Batangas City bilang paghahanda sa gagawing survey sa mga households simula sa unang linggo ng Hulyo.
Ang nasabing pagsasanay ay isinasagawa ng City Planning and Development Office na siyang mangangasiwa sa resulta ng survey. Ang makokolektang impormasyon sa survey ay magiging bahagi ng data bank ng lungsod at isasama sa paggawa ng Batangas City Socio- Economic and Physical Profile.
Ayon kay Assistant City Planning and Development Coordinator Norberto Macarandang, ito ang unang batch sa pitong grupo ng mga enumerator trainees.
Ang bawat enumerator aniya ay kailangang makapag interview ng 10 households sa isang araw kung saan ang survey ay magsisimula mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ang isang questionnaire ay may 143 questions at ang panayam ay maaring tumagal ng 40-50 minuto. Tnatayang aabutin ng 30-45 araw ang survey sa mga malalaking barangay habang 10-20 araw sa maraming barangay.
Bukod sa mga impormasyon tungkol sa mga miyembro ng isang household, kabilang sa mga katanungan ang mga nagaganap na krimen at kalamidad sa kanilang barangayi.
Nananawagan naman si Carandang sa mga opisyales ng may 24 na barangay na wala pang enumerators na magsumite na ng pangalan ng kanilang mapipiling enumerators na dapat ay residente ng kanilang barangay sapagkat sila ay kilala na ng mga nakatira sa kanilang lugar. (Angela J. Banuelos, PIO Batangas City)
|