Ms. Foundation Day 2012 - Sheila Marie

Ang Ms. Batangas City Foundation Day ay isang prestihiyosong titulo na ipinagkakaloob sa isang dalagang nagtataglay ng mga katangi tanging ugali ng isang tunay na Batanguena at mula sa isang maayos na pamilya.
Maingat ang Cultural Affairs Committee ng pamahalang lungsod ng Batangas sa pagpili ng hahawak ng titulong ito sapagkat siya ay dapat maging kabuuan ng isang dalagang may kagandahang asal at magandang personalidad.
Sa taong ito, nasisiyahan ang committee na isa na namang karapat dapat na dalaga, ang kikilalaning beauty queen ng anniversary celebration ng lungsod.
Siya ay si Sheila Marie Uy Tan, bunso sa limang anak nina George at Helen Tan na tunay na mga Batangueno.
Si Sheila ay 20 taong gulang, at 4th yr. Commerce major in Marketing student sa University of Santo Tomas. Nagtapos siya ng elementarya at sekundarya sa Saint Bridget College.
Ayon kay Sheila, siya ay isang ordinaryo at simpleng mag-aaral na ang tanging ambisyon ay makatapos ng kanyang kurso at makapagtayo ng sariling negosyo. Ang isang panuntunan niya sa buhay ay gawing produktibo ang bawat araw sapagkat naniniwala siya na dapat "gawin ang lahat sa araw na ito, upang walang pagsisihang hindi nagawa."
Ayon pa rin kay Sheila, may mga pagkakataon din na lumalabas ang kanyang pagiging "barako o matapang" sapagkat nakakatulong aniya ito upang maging maingat ang pakikitungo sa kanya, lalo na ng mga kalalakihan.
Labis ang paghanga niya sa kanyang mga magulang sapagkat napalaki silang limang magkakapatid ng mapagmahal, magalang at mabuting mamamayan.
Tulad ng karaniwang kabataan, mahilig ring manood ng sine si Sheila kasama ang pamilya o mga kaibigan. Paborito niya ang Hollywood star na si Angelina Jolie.
Madalas din siyang maglaro ng badminton, volleyball at swimming. Paborito niya ang matatamis na pagkain lalo na ang chocolates.
Labis ang kasiyahan ni Sheila Marie na mapiling Ms. Batangas City Foundation Day 2012, Ito aniya ay isang karangalan sa kanyang buong pamilya, lalo pa nga't sina Mayor Vilma Abaya Dimacuha at dating Mayor Eddie B. Dimacuha, kasama ang mga department heads ang pormal na humiling sa kanya at sa kanyang mga magulang.
Tunay na isang karangalan sa kanyang ulo ang pagiging Miss Batangas City Foundation Day 2012 ,kayat tiniyak ni Sheila Marie na iingatan niya ang titulong ito, na simbolo ng isang maipagmamalaking Mutya ng lungsod ng Batangas.
(Marie V. Lualhati, PIO Batangas City)