|
Batangas City Jail (ALS Graudation)
May 14 na inmates sa San Jose Sico Batangas City Jail ang nagtapos ng elementarya at sekondarya sa ilalim ng Alternative Learning System o ALS noong ika -21 ng Hunyo.
Ito ay sa pakikipagugnayan ng Batangas City Jail Management, Department of Education at ng pamahalaang lungsod.
Ang ALS ay isang non-formal education na naglalayong makatapos ng elementarya o sekondarya ang mga out of school youth at maging ang mga matatanda na. Ang pagtuturo ay ginagawa sa loob ng 10 buwan.
Ayon kay Chief Inspector Lorenzo Reyes, Batangas City jail warden, nais niyang mabigyan ng pag-asa ang mga preso na kahit sila ay nakakulong, pwede pa rin silang makapag-aral at magkaroon ng magandang buhay pag sila ay lumaya na.
Para kay Rodelio Aquino ng Kumintang Ilaya Batangas City at anim na taon ng nakakulong, natutuwa siya na kasabay ng kanyang pagbabago sa loob ay nakapag aral siya at nakapagtapos ng sekondarya. Sinabi niya na sa paglabas niya ng kulungan ay sisikapin niyang makapagtapos ng kolehiyo.
Ayon kay Nestor Alon, district supervisor at coordinator ng ALS, ang Alternative Learning System ay nahahati sa dalawang programa, ang Basic Literacy Program kung saan ang estudyante ay tinuturuan ng mga basic skills tulad ng pagbasa, pagsulat, pagbilang at iba pa. Samantalang ang Accreditation and Equivalency Program ay ang acceleration sa grado o level kung saan dapat mabilang ang isang estudyante base sa kanyang kaalaman at galing.
Ang mga ALS teachers ay maaaring magturo sa Barangay Hall, sa mga community learning center, maging sa ilalim ng isang puno o kahit saang ligtas na lugar. Ang mga estudyante ay maaaring hindi pumasok araw-araw. Meron silang individual learning activity kung saan, ito ay nakadepende sa willingness at availability ng estudyante pati na rin ng guro. (Liza Perez Delos Reyes, PIO Batangas City)
|