Calauag Quezon Lakbay Aral

Hinangaan ng delegasyon ng Calauag, Quezon ang mga kagamitan at pasilidad ng Batangas City para sa disaster preparedness ng mag lakbay aral sila sa lungsod noong June 18.
Ayon kay Mayor Ernesto Visorde na siyang nanguna sa delegasyon, napili nilang puntahan ang Batangas City dahilan sa kilala ang lungsod sa pagkakaroon ng isang mahusay na City Disaster Preparedness Program. Aniya, tunay na namangha sila at nangarap na magkaroon ng katulad na pasilidad na kompleto at magagandang mga equipment ng lungsod. Sinabi rin niya na ang lahat ng kanilang natutunan ay kanilang iaaplay sa kanilang bayan.

Ipinakita naman ng Bureau of Fire Protection Management personnel at fire volunteers ang kanilang galing sa simulation demo kung saan ang senaryo ay magliligtas sila ng biktima sa pamamagitan ng Singaporian relay at man- to- man rescue. Nagpakitang gilas din ang tatlong k-9 dogs sa paghanap ng bomba na inilagay sa bag upang hanapin. Ipinakita rin sa mga taga Quezon ang ibat-ibang equipment na ginagamit sa pag rescue at pag responde sa mga sakuna at kalamidad.
Nagpasalamat ang mga taga Quezon sa mainit na pagtanggap sa kanila at sa simpleng token na ibinigay sa kanila ni Mayor Dimacuha.
(Liza Perez Delos, Reyes, PIO Batangas City)