|
Community Based Monitoring System
Isang 3-day seminar ang isinagawa ng City Planning and Development Office o CPDO bilang pagsisimula ng Community Based Monitoring System (CBMS) sa VIP Room ng Batangas City Sports Center noong ika-5 hanggang ika-7 ng Hunyo.
Ayon kay Engr. Januario Godoy, hepe ng naturang tanggapan, ang CBMS ay isang web-based household survey na aprubado ng National Statistical Board, Department of Interior and Local Government at ng National Economic and Development Authority upang gamiting basehan sa pagkalap ng mahalaga at komprehensibong impormasyon hinggil sa kalagayan ng bawat barangay sa buong Pilipinas.
Ang datos na galing sa CBMS ay ginagamit din aniya upang matugunan ang kakulangan ng pangunahing kailangan ng mga tao gaya ng tubig, hanap-buhay, sanitation system, edukasyon at maging ng kumpletong demographic profile ng isang sambahayan.
Ayon pa kay Godoy, ang CPDO ang aaktong lead agency sa isasagawang survey.
Pumili aniya sila ng 20 empleyado sa kanilang tanggapan upang sumabak sa tatlong araw na training at sila ang magsisilbing mga supervisors para sa naturang programa.
Pagkatapos ng training para sa mga supervisors, agad na isusunod ang 3-day training ng mga enumerators na manggaling naman sa mga barangay.
Magsismula aniya ito sa July at inaasahang matatapos sa September ng taong ito.
Idinagdag pa ni Godoy na ang resulta ng survey ay magagamit ng lungsod ng Batangas sa mga susunod na pagpapalano at pagpapatupad ng mga proyekto nito.
Samantala, ang technical assistance ng naturang training/seminar ay nagmula sa Provincial Planning and Development Office.
Ayon kay Janet Candor, Supervising Adminstrative Officer IV, nasa 2nd leg na ang isinasagawang province wide implementation ng CBMS.
Ito aniya ay sinimulan noong taoong 209 at isinasagawa sa unang pagkakataon dito sa lungsod.
May 13 indicators aniya na sasagutin ang bawat respondents upang higit na matukoy ang suliranin ng mga mamamayan lalo't higit sa malalayong barangay.
Ayon pa kay Candor, inaasahan nila na makakalap na ang lahat ng datos sa buwan ng Oktubre at magagamit na ang resulta ng Community Based Monitoring System sa pagpapalano para sa taong 2013. (Jerson J. Sanchez, PIO Batangas City)
|