|
Convention Center
Umani ng paghanga at papuri ang mga guro mula sa mga guest speakers ng 3rd Batangas Teachers Summit na idinaos noong May 31, sa Batangas City Convention Center.
May 1,500 teachers and social administrators sa lalawigan ng Batangas ang dumalo sa naturang summit na itinaguyod ng Alliance of Batangas Educators and Social Administrators Inc. o ABESA na pinamumunuan ni Coun. Dr. Dex Buted. Ito ay may temang, Teachers Becoming Leaders: Redifining an Educator's Role in Nation Building.
Sa pambungad na pananalita ni Coun. Marvey Marino, chairman, committee on education ng Sangguniang Panlungsod ay pinasalamatan niya ang mga guro sa pagiging katuwang ng mga magulang sa paghubog ng mabuting anak at mamamayan ng bayang ito. Hinamon niya ang mga guro na maging innovators at inspirasyon ng mga mag-aaral. Aniya, maging inspirasyon upang mahalin ang kalikasan, tumulong sa pagsugpo ng kriminalidad at pagmamahal sa bayan.
Nagpugay naman sa mga guro si AKBAYAN Party List chairperson Risa Hontiveros. Ayon sa kanya malaki na ang utang ng bayan sa mga ito, sapagkat ang mga ito ang pandayan ng karakter at values ng mga mamamayan.
Sinabi rin niya na tunay na mahusay ang mga Filipino teachers, ngunit nakakapanghinayang aniya na ang mga ito ay nagtratrabahong domestic helper sa ibang bansa para sa kumita ng mas malaki. Prayoridad aniya sa Hongkong at Japan ang mga guro para maging DH dahil mahusay ang mga ito sa Ingles.
Sinabi rin nito na ang mga guro ang matiyagang gumagawa ng lesson plan para sa mga leksyong dapat matutunan sa paaralan, ngunit di dapat aniya "one way" pagtuturo. Ayon kay Hontiveros dapat may pag-uusap ang guro, estudyante at ang lipunang ginagalawan.
Samantala, ipinaalam naman ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian ang mga programa ng kanilang lungsod na nagpapahalaga sa mga guro at sa edukasyon ng kabataan.
Iniulat ni Batangas Gov. Vilma Santos- Recto ang mga accomplishments at programa ng pamahalaang lalawigan sa edukasyon.
Kinilala rin nina Cong. Imelda Marcos at dating Senador Ernie Maceda ang mahalagang tungkulin ng mga guro sa bayan.
Samantala, ang ABESA ay binuo noong 2007 sa layuning magkaisa ang mga guro sa pribado at pampublikong paralan at maiangat ang kakayahan ng mga ito sa pagtuturo. (Marie V. Lualhati, PIO Batangas City)
|