|
Battle of the Bands 2012
Dalawampung banda mula sa lungsod ng Batangas ang lumahok sa isinagawang Battle of the Bands 2012 noong ika-12 ng Enero na ginanap sa Peoples Quadrangle.
Tinanghal na kampeon ang BIGS band mula sa Brgy. Pinamucan. Ang naturang grupo ay nagkamit ng P15, 000.00 at tropeo. Kinanta nila ang awiting "Bangon" na isang orihinal na komposisyon.
Ang Five Thirty band mula sa Calicanto ang nag-uwi ng 1st runner up trophy at nakatanggap ng P10, 000 samantalang ang Day Tripper na isang school-based band ang nanalo bilang 2nd runner up at tumanggap ng P5000.00 at tropeo.
Ayon kay Ed Borbon, Vice Chairman ng Cultural Affairs Committee, ang naturang kompetisyon ay bilang pagbibigay ng pagkakataon para sa mga kabataan na maipakita ang kanilang mga talento sa larangan ng musika at higit na ma-develop ang kanilang personalidad.
Naging criteria sa pagpili ng mga nagwagi ay ang musicality 60%, stage presence 30% at audience impact 10%.
Tumayong mga hurado sina Charlene Mamaid na isang musician, Dominic Gines, guitarist, sessionist ng Urban Symphony at Davey Langit isang singer at Pinoy Dream Academy Season 1 Scholar.
Nagbigay naman ng ilang tips si Langit para sa mga contestants. Aniya mahalaga ang basic inclination sa larangan ng musika kagaya ng tamang tempo at tono sa pagtugtog.
Mahalaga rin aniya ang tamang balanse sa pagtugtog kung saan hindi palakasan o pahusayan ng bilis na kamay ang tinitingnan kundi ang palinisan ng tugtog.
Ang nasabing gawain ay pinangunahan ng City Council for Youth Affairs bilang bahagi ng pagdaros ng kapistahan ng lungsod ng Batangas sa temang " Sa Pagkakaisa ng Mamamayan at Pagpapala ng Maykapal, Dangal ng Lungsod ng Batangas lalong Titingkad." (Monina B. Fernandez, PIO Batangas City)
|