|
Shooting Incident Talumpok West
Sugatan ang dalawang pulis ng Batangas City ng manlaban sa kanila ang inaaresto nilang suspek sa pagpatay ng isang residente ng lungsod sa Sitio Pico, Barangay Talumpok West noong ika- 2 ng Enero.
Bandang 12:05 ng madaling araw, isang tawag ang natanggap ng istasyon galing sa Jesus of Nazareth Hospital na may dinala biktima sa pamamaril at ginagamot sa naturang hospital. Ang biktima ay si Jun Cordero Y Matining, 29, single, family driver at tubong Barangay Calubayan, Orriental Mindoro at nakatira sa Sitio Piko , Talumpok West. Agad pinuntahan ng mga imbestigador ang nasabing biktima. Sa salaysay ni Cordero, alas dyes y media ng gabi ng Bagong Taon nag iinuman sila sa harapan ng bahay ni konsehal Gualberto Calingasan kasama si Edwin Cordero at isang nagngangalang Pipoy. Nang biglang dumating ang suspek na si Norberto Magtibay Y Garcia, 54 taong gulang , kasal, negosyante, tubong San Antonio Quezon at nakatira sa nasabing barangay at binaril si Cordero.
Pagkatapos ng imbistigasyon kay Cordero agad na pinuntahan ng mga pulis si Magtibay sa kanilang bahay upang arestuhin subalit nanlaban ito at tinamaan ang dalawang pulis kung kayat napilitan siyang paputukan ng mga pulis na siyang kanyang ikinamatay.
Ayon kay Police Inspector Alberto Fetizanan Fabregas ng Batangas PNP, nagkaroon ng mahabang negosasyon para pasukuin ng maayos si Magtibay subalit nanlaban ito at pinaputukan ang mga pulis.
Agad na dinala ang bangkay ni Magtibay sa Eternal Funeral Homes upang i autopsy, habang ang dalawang pulis ay kasalukuyang naka confine sa Jesus of Nazareth Hospital. Tinitingnan ngayon ng pulis ang dahilan kung bakit binaril si Cordero. (Liza Perez Delos Reyes, PIO Batangas City)
|